Sonntag, 20. September 2009

mga mumunting kaligayan at sa vienna ko natagpuan.

napakarami ko nang siyudad sa europa na napuntahan ngunit merun akong binabalik-balikan, ito ay ang siyudad ng vienna. gustong gusto kong sumakay sa "subway" ng vienna. kapag ako ay nandito, bumibili ako ng tarheta sa "subway" para sumakay mula umpisa hanggang dulo at balik ulit. kung tutuusin mukha akong tanga, pero may ligaya sa akin nadudulot ang munting gawaing ito. nakikinig ako sa "mp3 player" ko habang nasa loob ako ng "subway" at pinagmamasdan ko ang mga tao at gumagawa ako ng munting pelikula sa isipan ko. hahaha. kala nila hindi ko naiintindihan sinasabi nila ha?! ahaha oo hindi ko nga naiintindihan nyahahaha

dahil ako ay nagsasalita ng konting aleman, napakarami kong nakilalang mga kaibigan sa vienna. nagulat nga ako, kasi ang alam ko, ang vienna ay isang sopistikadong siyudad pero ang mga naging kaibigan ko ay ang mga taong nasa "alternative side". nakakatuwa din ang diyalekto ng aleman sa austria, lalo na sa vienna. gustong gusto ko itong pakinggan dahil napakasarap sa taenga. ibang iba sa napag-aralan kong aleman na "high german".

nung huling bista ko sa taglamig sa vienna, dalawang bagong kaibigan ang nakilala ko si arthur at si lukas. kamangha manghang karanasan ang naranasasn ko. nung hindi pa kami nagkikita ni arthur at nag-uusap lang sa chat, tinanong niya ako kung nakita ko na ba ang vienna at sabi ko oo naman, ilang beses na akong bumalik-balik sa siyudad, ngayon, sinabi niyang ipapamalas at ipapapkta niya sa akin ang ibang mukha ng vienna, at nung kami ay nagkita, tinugtugan niya ako sa kanyang "grand piano" ng mga piyesa ni mozart at ang hinding hindi ko makakalimutan ay ang "soundtrack" ng pelikulang pranses na "amelie" ang "comptine d'un autre été". tuwang tuwa ako ng gabing iyon at abot hanggang langit ang pasasalamat ko sa kanya. nauhaw ako pagkatapos ng kanyang munting konsiyerto para sa akin, nakahingi pa ako ng tubig ahahaha.

ang pangalawa ko namang nakilala ay si lukas, hanak ng, nawala pa ako nung hnahanap ko yung "flat" niya sa vienna. hahaha gabing gabi na nun - saktong alas-dose ng hating gabi..... yesss kami ay bampira hahaha. hinahanap na niya ako sa mga kalye ng vienna, ang nakakatawa pa magkasalisi kaming naglalakad, ako sa kabilang kalye na hinahanap ang "flat niya" at siya naman nasa kabilang kalye at hinanahap ako. hahaha. napakasarap kasama ni lukas, lalo na sa flat niya! hindi ko maipaliwanag sa salitang ingles o tagalog pero siya ay nakatira sa isang "wohnungsgemeinschaft" hahaha bahala na kayo! lol

natutuwa din ako sa vienna! kasi may pilipino karinderya doon! pag bumabalik ako ng germany, eh dalawampung piraso ng siopao ang inuuwi ko! hahahaha kahit tig 2.50 euros ang isa ok lang! wala kayang siopao sa germany! pati "kentucky fried chicken" o kfc sa vienna, namumukod tangi din! kasi may kanin kasama! masarap kainin ang manok na malutong ang balat at kanin! nyahahaha

tuwing ako ay napunta ng vienna, wala akong dalang pera, at hindi ako namimili ng mga kagamitan dito o pumupunta para lang masabing nakapunta ako ng vienna. naglalakbay ako papuntang vienna upang makita kong muli ang aking mga kaibigan at maransan ulit ang mga munting kaligayahan!


"comptine d'un autre été" tinugtog sa akin ni arthur
para maranasan ko ang ibang mukha ng vienna.


sa kalye ng vienna noong taglamig.

ang pasko ay sumapit! hahahah
sa loob ng wohnungsgemeinschaft ni lukas
at ang kanilang "coffee table"! wahaha

ako at si lukas.

Donnerstag, 17. September 2009

kuwento ng pagkakaibigan ng dalawang manlalakbay.

"grains of sand is all we are.." ang paborito kong panipi. hindi ko alam kung bakit, pero simula ng marinig ko ang awit ng conjure one na "manic star" na-isabuod nito ang damdamin ko ukol sa paghahanap at pagtutuklas ng mga o isang tao sa aking walang sawang paglalakbay at pagliliwaliw sa mundo.

hindi lahat ng mga tao ay nagtutugma sa kanilang ideyalismo ukol sa kani-kanilang paglalakbay. nang marinig ko ang mga titik ng awit na "manic star" napag-isip ako, tama nga siya, "grains of sand is all we are.." tayo'y mga butil ng buhangin. hindi pare pareho ng hugis, at hindi lahat nadadala ng sabay sabay ng malalakas na hangin o hampas ng alon p
ero may mga butil ng buhangin na kumakapit sa isa't isa at sama-samang sumasabay sa daloy ng panahon.

ako ay naging mapalad at may nakilala akong isang tao na pareho ng ideyalismo ng sa akin ukol sa mga pakikipagsapalaran at paglalakbay sa mundo. higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya, hindi ko maipailiwanag sa wikang tagalog, pero ang turing ko sa kanya ay "cosmic brother".

nakilala ko si ben (hindi ito si ben tumbling at lalong lalo na si bentot na tawag ni isabel sa kanya hahahaha) nang ako ay bumuo ng grupo na naglakbay sa espanya at portugal noong isang taon. sa lahat ng mga kasama ko, sa slaitang ingles, kami ay nag "click." at simula noon - nagkita at naglakbay kami sa alemanya, belhika at sa pilipinas - na kung saan inimbita ko siya na sumama sa bakasyon ko. napakalaki ng agwat ng aming edad ni ben, ngunit kung kami magkasama, ay parang kasing edad lang namin ang isat-isa. mahilig din naming tuksuhin ang isa't-isa katulad nga mga pananalitang: "fuck off", "shut the fuck up", "you like it you bitch", "shove it in your ass you bitch", "go away", "leave me alone" hahahahaha at marami pang ba. binansagan namin ang isa't isang: "poodle" dahil siya ay kulot hahaha at ako naman na kaniyang "little monkey" ewan ko kung bakit niya ako tinawag na ganun - sa tingin niyo, kamukha ko ba si chita at mukha ba akong unggoy?! ahahaha

napakarami rin naming mga "misadventures" kung tuwing kami ay magkasama - magbibbigay ako ng tatlong pinakamantindi:

3. habang nagmamaneho ng sasakyan si bentot sa espanya ay muntik na kaming mabangga, pero napakagaling ng pag-ilag niya dahil milimetro na lang ay mababangga na kami. partida pa yan dahil si bentot ay hindi sanay magmaneho ng "left hand driving" dahil siya ay laking gran britanya - hindi lang isang beses sa loob ng espanya nagyari kundi 3 beses na kaming muntik mabangga! ang galing niya magmaneho! hahahahaha ang nakaktawa pa, hindi "insured" ang kotse na inarkila namin, kaya kung mabangga ito, eh babayaran namin! hahah at wala kaming pera! hahaha

2. nung pumunta kami ng zambales at sa isla ng camara, bumaba kami ni bentot sa bangin na may taas na 30 metro, napakatarik ng bangin na iyon at napakadelikado. ngunit hindi natinag si bentot at parang kuneho na talon ng talo at nakababa ng bangin. bumaba kami para lang makita ang "secret beach" at nang kami ay paakyat na, nadulas ako at wala ng mahawakang bato, nakakapit lamang ako sa mga damo na malapit ng mapunit sa kinakapitang lupa, agad na hinubad ni bentot ang tshirt niya at ginawang lubid para makapitan ko. hinila niya ako paakyat at ng ako ay nakaakyat na at nahimasmasan kami, isa lang nasambit ko - PUTANG INA hahahahaha at kami ay malakas na tumawa at nag "high five pa" hahahaha.

1. at ang pinkamatindi, ay nung nag-camp kami sa itaas ng bundok ampakaw sa sagada. inabutan kami ng bagyo sa itaas at 17 horas kaming nasa loob ng tent na masikip at taena, hindi pa pwedeng gumalaw sa loob ng tent kami mababasa kami, para kaming mga tuod na basa. nabusuan pa kami ng inuming tubig dahil ang lakas uminom ni bentot hindi pa marunong ng hating kapatid. wala kaming nagawa kundi sumalok ng tubig ulan para maluto namin ang lucky me mami hahahaha at ang hinid ko mapapatawad ay ng lumabas si bentot para sumalok din ng tubik sa isang maliit na talon. napakalakas ng ulan noon, at natakot ako kung ano man ang manyari sa kanya sa labas, dahil binilin siya sa akin ng nanay niya, pero ayaw ko naman lumabas ng tent kasi ayaw kong mabasa hahahaha. laking pasasalamat ko nung bumalik siya pagkatapos ng 30 minutos. syempre, pagbalik niya, nagtawanan lang kami. hahahahaha.

maraming salamant ben, tuwing ako ay naglalakbay, lagi lang akong mag-isa, pero dahil sa katauhan mo, nakatagpo ako ng ika nga eh "partner-in-crime"

hindi ko alam sa mga sususnod na bukas na tayong dalawa ay makakapaglakbay pa, pero hinding hindi kita makakalimutan sa tuwing ako ay may isususulat at ikukuwento sa mga aking paglalakbay, dahil nandoon ka.

salamat.

siyempre luksong baka sa madrid! ahaha

kinarga ko ang bebe damulag! ahaha

pagktapos naming akyatin ang montagne de beuren sa liegé, belhika, na may mahigit 300 hagdan, siympre smile para hindi halatang napagod hahaha

para kaming mga isda sa aquarium! ahahaha

camping sa taas ng bundok ampakaw! ang saya! tang inang mukha yan! hahaa

pogi ni ben dito ah! kailangan ko ng komisyon! hahahaa

Mittwoch, 2. September 2009

paumanhin paumanhin at isa pang paumanhin!

update ko ito pag may oras ako, paumanhin, marami akong tinatapos na blogs! nakakahiya naman kung "copy paste" lang ang mga teksto dito, walang originality!

pero update ko next time yung blog ko nung umuwi ako ng pilipinas! camping trip! hahahaha ang haba kasi nung isang blog ko, tang ina simula marso hanggang mayo pitong bansa pinuntahan ko at nagbenta ako ng laman, medyo masakit pa kasu-kasuan ko kaya di ako makapagsulat dito! ahaha pero malapit ko ng matapos yun! pag natapos ko yun dito naman!

eh pucha hindi naman kayo nagbabayad ng subscription fee kaya nakakatamad din magsulat! hahaha mga pasaway kayo! hahaha tang ina feeling ko maraming nagbabasa ano?! ahaha eh 2 lang sumusubaybay sa blog ko, yung isa german pa! hahahahaha di bale may shepherd akong regalo sa kanya! hahahaha hindi lang isa! isang box galing japan! ahahahahahahaha :P


sige sa susunod mga pasaway! ahahahah

hasta la vista! bebe! lol

^_^

tulog tulog tulog muna! zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzz

Dienstag, 20. Januar 2009

ako po ay pinilit lamang, sa madaling salita pinuwersa po ako.

galing sa isang mahaderang kaibigan, dapat daw sagutan, pag hindi sinagot, wala na daw galunggong mahuhuli sa dagat! natakot kaya ako! eh di sagutan! hmp!

mga tanong ni isabel www.isabetlog.blogspot.com

wag ho kayong matakot sa kanya, ganyan siya talaga. tignan niyo, muntik na ho akong kainin.

1. I'll respond with something random about you.
2. I'll tell you what song/movie reminds me of you.
3. I'll pick a flavor of jello to wrestle with you in.
4. I'll say something that only makes sense to you and me.
5. I'll tell you my first/clearest memory of you.
6. I'll tell you what animal you remind me of.
7. I'll ask you something that I've always wondered about you.
8. If I do this for you, you must post this on your journal.

at mga sagot ko sa kanya:

1. tawag sa kanya betlog, pero wala namang siyang betlog, oo monay merun siya! hahaha
2. balut/penoy ni silvia la torre sa batibot! hahaha
3. kangkong flavor! hahaha
4. wag kang mag-inarte! hahaha
5. nanghingi ako ng balato sa kanya! hahaha
6. a pig! pero payat siya hahaha
7. tuloy na tuloy na tuloy ito ate! walang urungan ang umurong may tae sa pwet! hahaha
8. salamat ate! hahaha

Freitag, 16. Januar 2009

ang hiwaga ng acantilados en la serra da capelada at ang rosas ng espanya.


taong 2008, napakaraming naganap, kung ako ay magbibiro, isa lang masasabi ko "hindi ko kaya ito!"

hindi ko rin alam kung pano ko uumpisan, napakaraming pagninilay-nilay sa aking isipan, tagpi-tagpi ang mga pangyayari, kung ihahambing ko sa isang sitwasyon, para siyang mga ulap sa langit, iba-iba ang anyo, iba-iba ang itsura, walang hubog, sumusunod lamang sa ihip ng hangin.

uumpisahan ko na lang nung ako ay maging kasapi ng isang travel website sa internet, ang www.travbuddy.com matagal na akong kasapi dito, taong 2007 pa lang, ngunit taong 2008 ng ako ay sumama sa mga pamosong meet-ups, ito ay pagtitipon ng ibat-ibang kasapi ng travbuddy mula sa ibat-ibang kontinente sa mundo: asya, yuropa, hilagang amerika, timog amerika, awstralya at aprika.

narating ko ang amsterdam, madrid at heidelberg para lamang sa mga pagtitipon, 2 beses din akong nag-organisa ng meet up sa düsseldorf, hindi kumulang sa labinlimang katao at umabot hanggang limampung pitong tao ang bawat pagtitipon.

napakadami kong nakilalang mga kasapi, at higit sa lahat naging mga tunay na kaibigan, na sa aking gipit na pangangailangan ay naruon sila. hindi in-cash ang pinaguusapan dito, kundi ang in-kind.

subalit ang nakakagulat na pangyayari ay ang pag-organisa ko ng pinakamalaking roadtripping na nangyari sa kasaysayan ng travbuddy. anim kaming mga estranghero sa isat-isa. ako na taga pilipinas, si ben na taga israyel, si alexander na taga awstralya, si rubina na taga gran britanya, si lori na taga kanada at si hannah na taga awstralya din. lahat ng mga kasama ko ay mga bata pa, sampung taon ang agwat ko sa kanila, ngunit, hindi sagabal ang edad sa isang bagay na lahat ay may pare-parehong hangad.

ito ay isang roadtrip na tatagal ng sampung araw, sa peninsula ng iberya, mga bansang espanya at portugal, uumpisahan sa madrid papuntang timog sa probinsiya ng andalucia, mga siyudad ng sevilla, malaga at almeria at sa konteksto ng ingles, ay camping sa nag-iisang disyerto sa yuropa, sa peninsula ng cabo de gata, ang desierto de tabernas. pagkatapos nito, ay tutungo naman kami sa timog portugal, sa siyudad ng faro, lagoa at lagos, kung saan ang pamosong rehiyon sa yuropa, ang algarve nakatuon. napaka ambisyosong proyekto, dalawang pamosong dagat ang aming mananamnam, ang atlantiko at ang mediteraneyo.
sa sawikaing ingles, everything was set. ngunit isa na namang di inaasahang pangyayari, nakilala ko ang isang tao, si pablo, na siya pala ang magbibigay linaw sa mga katanungan ko sa buhay. mga sagot sa aking pagmumuni-muni, mga pagninilay at higit sa lahat, marating ang aking pinagmulang ugat. napakalalim ng pagtingin ko sa bansang espanya. hindi ko ito maipaliwanag. mga pira-pirasong pagnanasa.

naghandog si pablo sa akin ng munting regalo, na kung maari, ibahin namin ang aming ruta, imbes na papuntang timog espanya, papunta kami ng hilaga. inimbitahan niya kaming tumira sa kanilang bahay, at tumira sa kanilang munting kubo, walang kuryente, napapaligiran ng hardin at isang maliit na fireplace na nasa itaas ng burol na tanaw ang mapusok na karagatang atlantiko. putang ina, hindi na ako nagdalawang isip. at ako ay pumayag. hindi rin nagdalawang isip ang aking mga kasamahan, kumbaga sa expression, game na game ang mga tungaw.

ang lugar ni pablo, ay isang maliit na bayan sa pinakahilaga ng espanya, ang maliit na bayang palaisdaan ng cedeira, sa probinsya ng galicia, sinasabing ang galicia, ay isang mitikong lugar na punung puno ng kababalaghan at mga alamat. lugar ng mga seltiko (celtics) at mga druwido (druids) at ang salita dito ay hindi espanyol, kundi, gallego na mas malapit sa salitang celtic kesa sa mismong espanyol.

nakilala ko rin ang mga magulang ni pablo, na sina senyora lucia at senyor manolo. si senyora lucia, ay kapareho ng aking ina, matigas, matapang, laging nasusunod sa bahay, ngunit higit sa lahat, maasikaso at ibibigay ang lahat ng natitirang lakas para lamang magsilbi. hindi marunong magsalita ng espanyol ang ama ni pablo, salitang gallego lamang, ngunit tuwing agahan, kaming dalawa ng kanyang ina ang laging nag-uusap, sa magkahalong aleman at espanyol, dahil si senyora lucia ay tumakas sa espanya nung ikalawang digmaan at tumira sa hollanda. sinabi sa akin ni pablo na tuwang tuwa sa akin ang kanyang ina at para akong anak na niya, pinagsisilbihan niya ko tuwing umaga ng agahan, pinapainom ng gatas at kulang na lang ako ay kanyang subuan at nakikita ko sa kanyang mga mata ang pagmamahal ng isang ina , ako rin, sa napakadaling panahon, itinuring ko ng pangalawang tahanan ang bahay ng grandal-caneiro at pangalawang ina si senyora lucia. nakakatuwa at nakakamangha. at hinding hindi ko ring syempre makakalimutan ang prinsesa ng pamamahay ng grandal-caneiro, ang el gato, ang mahiyaing pusa na si lola.

ako at aking mga kasamahan ay sinorpresa ni pablo at ni senyor manolo, dinala nila kami sa isang lugar, na putang ina, PUTANG INA. ito na ang pinaka-rurok ng aking paglalakbay sa yuropa o kaya'y sasabihin ko sa mga darating ko na paglalakbay sa buong mundo.

ngiting aso si pablo ng ipinakita niya sa amin, o mas ukol sa akin ang acantilados en la serra de capelada, o ang mga bangin sa bulubundukin ng capelada. ito ang mga bangin na napakataas sa kontinente ng yuropa, umaabot ito ng mahigit sa 700 metro. hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman, sa buong espanya, napakainit dahil tag-tuyot na at tag-araw, ngunit dito, ang mga ulap, ang langit ay laging nakapabagsik, mapusok, ang karagatang atlantiko ay tila laging may galit. ang m
ga alon na humahampas sa bangin ay tila mga ungol ng mga taong nagpakamatay dahil sa pag-ibig na nilamon ng dagat.

ang aking mga kasamahan ay kuha ng kuha ng mga litrato, samantalang ako, ako ay napapikit, at ninamnam ko ang mga sandaling iyon, dahil dito, dito mismo, sa tuktok ng pinakamataas na bangin, ang garita de herbeira, nagmula ang ugat ng aking ina. napakalawak ng tanawin, dahil wala ng mga nakapalibot na isla, tuloy tuloy na ang tanawin sa susunod na lupain, ang hilagang amerika. naisip ko, sa mga sandaling iyon, tayo'y mga tao lamang, na likha ng isang napakatinding kapangyarihan. isa lamang tayong munting butil ng buhangin na gumagalaw sa sangkalawakan.

ng ako ay nahimasmasan sa aking naramdaman, gumala ang tingin ko, ang mga bangin din ay nagsisilbing pagpapaanak at pagpapalaki ng mga kabayo, napakaraming mga ligaw na kabayo sa bangin. at ibang iba ang kapaligiran sa kinamulatan kong espanya ayon sa mga aklat geograpiko, mga litrato at sa mga aklat tulad ng don quixote de la mancha, isama na rin sa mga napapanood sa telebisyon na bullfighting.

ito rin ang sambahan ng mga druwido at seltiko sa mga alamat. at ang hindi kilala na pilgrimage ng mga peregrino, dahil nauungusan ito ng santiago de compostela, ay ang pilgrimage kay san andres de teixido, sinasabing, kung hindi mo man mabisita ang dambana ni san andres de teixido habang ikaw ay nabubuhay, sa iyong pagkamatay o sa iyong susunod na buhay mo siya mabibisita, kaya ang mga nakatira dito ay may respeto sa mga hayop, dahil ito ang mga kaluluwa ng mga pumanaw at handa ng bisitahin ang dambana ni san andres.

habang isinusulat ko ito, ako ay nalulungkot, sapagkat, hindi man lamang nakita ng aking ina ang mga litrato, narinig ang aking mga kwento, nasabi ang lahat lahat lahat ng aking nasa puso, sapagkat ang aking ina ay pumanaw na.

ngunit sa pagbabalik tanaw ko, napakatingkad pa rin ng aking mga ala
la, ang hiwaga ay hindi ang pangtungtong ko sa bangin, ang paglasap ko ng napakalakas na hangin, ang pagdinig ko nga mga panaghoy ng alon, ang pagbubukas ng aking isipan at puso dahil nakaramdam ako ng pagmamamahal sa kalungkutan, kundi, ang mga alala-ala ko kay senyora lucia, ang munting rosas ng bayan ng cedeira, hindi ang mga glamoroso at bonggang mga party o pagtitipon sa madrid ko naranasan ang tunay na espanya kundi sa isang ina na walang pagod sa pagsisilbi sa kanyang anak at mga inampon, si senyora lucia, ang espanya. isang mapagmahal na ina. habang iniisip ko naman si senyora lucia, ang lahat ng ito pala ay walang silbi. dahil habang pinagtagpi-tagpi ko ang lahat ng pangyayari, ako pala ay babalik at babalik din sa pagmamahal at sa braso ng aking ina.

Samstag, 10. Januar 2009

gonna knock on your door but there's nobody home


gonna knock on your door but there's nobody home ay isang talata ng kanta galing sa manunugtog na elektrikoolaid.

matagal ko ng kilala ang manunugtog na ito. taong 1998 ng marinig ko sa paborito kong istasyon ng radyo sa pilipinas ang NU107 ang awit na "black to grey". ni hindi ko man lang nasilayan ang mga manunugtog, ni litrato nila hindi ko man lang nakita, saglit lang pinatugtog sa airwaves ang kanta, subalit tumanim sa aking isipan ang himig.

sa hinaba haba ng panahon, nakalimutan ko na. hanggang sa makilala ko si isabel. pero mas masaya siya kapag betlog ang tawag sa kanya, wala naman siyang itlog, oo, monay mayroon siya. sabihin na natin na napakaswerte ko na maging kaibigan ang isang katulad ni isabel, dahil siya ay nagta trabaho dati sa istayon ng NU. at hindi ko lubos maisip na padalhan niya
ako ng munting regalo ngayong pasko, autographed pictures ng walang ng iba, kundi ng electikoolaid at ng mang-aawit mismo na si anabel bosch.

ngiting aso ako ng araw na iyon. hindi lang yun, kundi mp3 mismo ng black to grey. ito ay napakahirap hanapin kaya abot hanggang langit ang pasasalamat ko kay isabel.

at hindi lamang iyon, sinabi pa sa akin ni isabel na tuwang tuwa si anabel, dahil kahit napakalayo ng pinangalingan ko, at sa tagal ng panahon ay may nakaalala pa sa kanila. isa lamang ang naramdaman ko, pagmamalaki.

sa kasamaang palad, isang sakuna ang nangyari. sa hindi natin inaasahang pangyayari, si anabel bosch ay sumakabilang buhay. ako ay nalungkot, dahil kung kailan ko natagpuan at muling nanamnam ang electrikoolaid at ang awit na black to grey, ay isang trahedya naman ang kapalit.

nararamdaman ko ang nararadaman ng mga kapamilya, kaanak at mga kabigan ni anabel, dahil ang aking ina ay sumakabilang buhay din sa di inaasahang pangyayari, masakit mawalan ng mahal sa buhay, lalo na ang isang ina, na siyang nagbigay buhay sa atin, iniluwal tayo para makita natin ang kagandahan na nakapalibot sa sanlibutan. mahirap isalarawan, masakit.

subalit naisip ko, dapat na bang magtapos lahat sa pagsasakabilang buhay? dapat na bang tuldukan ang kabanata ng aking buhay?


gusto ko bang malungkot, magmuni muni at sisihin ang aking sarili sa mga pangyayari na wala naman akong magawa?

ah, ang buhay ay napakasarap. hindi ko pala dapat itigil ang pag-ugong ng gulong ng buhay sa nangyaring ito sa akin. bibigyan ko ng tuldok, ngunit hindi habang buhay. tuldok para lang sa kabanatang ito. dahil ang takipsilim ay isa lamang pambungad ng bukang liwayway.

gusto kong ihalintulad ang pamagat na black to grey sa pagsasakabilang buhay. sa pamagat, nagbago ang kulay, ngunit ito ay kulay pa rin. tulad ng ating buhay, na kapag dumating sa hangganan, nagbabago lamang tayo ng pisikal na kaanyuan ngunit nandito pa rin tayo at gumagabay sa mga taong nabubuhay.

mabuhay ka anabel bosch dahil isa kang inspirasyon at kung saan ka man naroon, panatag ang kalooban mo, dahil maraming tao ang nagmamahal sa iyo.

Freitag, 2. Januar 2009

pambungad.

sabihin na natin na "baduy" o hindi na uso ang pagsusulat sa wikang tagalog, ngunit sa makabagong panahon, pag-unlad, agham at sa ating pausod na buhay, nakakalimutan natin kung saan talaga ang ating ugat.

nagsusulat ako sa isang "travel blog" na naglalarawan ng aking mga lakbay at mga pakikipagsapalaran sa bansang pilipinas at yuropa ngunit sa wikang ingles na may pasaring na aleman at espanyol. nakakaaliw sa umpisa, pero tulad ng sinabi ko sa aking unang talata, ako ay "nakalimot".

may mga pangyayari sa aking buhay na hindi ko mailarawan sa mga wikang banyaga. kaya sususubukan kong isulat ito, sa wikang aking kinalakihan, natutunan at higit sa lahat wika ng aking lahi. dahil sa taong 2008, napakaraming pagbabago ang naganap. mas mabuting masabi at maisulat ko ang aking mga pagninilay-nilay at pagmumuni-muni. hindi naman mahalaga sa akin kung may magbasa nito o wala, ang kabuluhan ng aking talaan ay maisulat ko ang lahat lahat ng saloobin sa aking puso.

nakakatuwa, dahil ang pamagat ng aking talaan ay sa wikang ingles at ang mga dutong sa wikang aleman, minsan ay hindi ko rin maiiwasan kung isulat ko sa pamamaraang ingles, taglish o minsan sa aleman dahil gusto ko ring isulat ang mga tinatangi kong manunugtog sa yuropa. hindi ko sinasabi na ako ay isang sakdal o perpektong tao, lahat naman tayo ay may mapagkunwaring anino. na pinamagatan sa isang pelikula, "sapagkat tayo'y mga tao lamang".

kaya mga iho at mga iha, isama na rin ang mga iho na iha at mga iha na iho, ayon sa kenkoy komiks na hindi ko man lang inabutan: ABANGAN!




ps. tang ina mo isabetlog, ayan binago ko na settings hindi na yan aleman, ugok! hahaha tawa tawa tawa!